KORONADAL CITY – Mas pinaigting pa ng 6th Infantry Division (6ID) ng Philippine Army ang kanilang seguridad at pagmamatyag kasunod ng pag-atake ng mga terror groups sa mga detachment nito.
Batay sa impormasyon na nakuha ng Bombo Radyo Koronadal, nangyari ang nasabing pag-harrass sa mga detachment noong nakaraang linggo sa 38th Infantry Battalion kung saan unang pinaulanan ng 40mm rounds ang kanilang kampo bandang alas-7:40 ng gabi.
Makaraan ang dalawang oras, pinasabugan ng M203 grenade launchers at pinaulanan ng bala ang Darping Detachment sa Brgy. Kalanganan 1, Cotabato City na tumagal ng ilang minuto.
Wala namang nasugatang mga sundalo sa naturang pag-atake.
Samantala, tiniyak naman ni 6ID Commander, MGen. Diosdado Carreon na tutugisin ang mga nasa likod ng naturang pag-atake.
Pinuri rin nito ang pagiging mapagmatyag ng mga tropa laban sa naturang pagsalakay.