KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pagtapon ng molotov bomb at tangkang panununog ng dalawang Disaster Response Vehicles na pagmamay-ari ng isang Non-Government Organization (NGO) sa lungsod ng Koronadal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal Police Major Rommel Hitalia, deputy chief of police ng Koronadal PNP, nangyari ang panununog ng unidentified suspects sa dalawang sasakyan na nakaparking sa labas ng inuupahang satellite office ng Disaster Response Center sa Purok Maharlika, Barangay GPS, Koronadal City.
Ayon kay Hitalia, tinapunan ng mga bote na nilagyan ng gasolina o molotov bomb at sinindihan ang isang Cargo truck at Bonggo na ginagamit bilang rescue vehicles sakaling may Disaster na nangyayari at tumutulong ang nasabing tanggapan.
Mabuti na lamang umano at nakita agad ng mga empleyado ng Koronadal Operation Center kaya’t di naubos o naabo ang nabanggit na mga sasakyan.
Sa ngayon, hindi pa tukoy ng nabanggit na tanggapan ang motibo sa panununog ng kanilang mga Disaster response vehicles.