Nahaharap ngayon sa mga reklamo ang dalawang doktor ng Contours Advanced Face and Body Sculpting Institute sa Paseo de Magallanes, Makati, matapos masawi ang kanilang pasyenteng sumailalim sa liposuction.
Kinilala ni Makati Police Deputy Chief Maj. Gideon Ines ang biktima na si Norie Bobadilla, 43, ng Binalbagan, Negros Occidental.
Tinukoy naman ang mga inirereklamong doktor na sina Dr. Claudine Roura at Dr. Katrina Bulseco na isang anesthesiologist.
Nabatid na dinala sa Paranaque Doctors Hospital ang biktima matapos magkaproblema pagkatapos ng procedure.
Doon na rin binawian ng buhay ang ginang, makalipas ang ilang araw.
Sinagot naman ng nasabing mga doktor ang hospital bills ng pasyente at nakipag-usap pa sa pamilya ng biktima.
Gayunman, desidido ang mga kaanak ni Bobadilla na ituloy ang demanda.