CENTRAL MINDANAO – Umaabot sa mahigit P2 milyon halaga ng droga ang nasamsam ng mga otoridad sa inilunsad na drug buy bust operation sa Lanao del Sur.
Nakilala ang mga suspek na sina Kokodao Marangit Bobo alyas Faisal Cader Lomna at Musa Manding Saro, kapwa mga residente ng Tamparan, Lanao del Sur.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-BARMM) regional director Juvinal Azurin na naglunsad sila ng buy bust operation sa Brgy Lalabuan, Balindong, Lanao del Sur katuwang ang PDEA 4A Cavite, 103rd Brigade, 82IB, 55IB , PIU LDSPPO at RMFB 1403RD.
Nang iabot daw ng mga suspek ang shabu sa PDEA agent ay doon na sila agad hinuli at pinosasan.
Narekober sa posisyon ng dalawang drug dealer ang 300 grams na shabu na nagkakahalaga ng P2,040,000 marked money, 2 cellphones, Toyota Revo, 4 pcs identification cards, 2pcs leatherette wallet, 1pc gray with black sling bag, cash na P40 at brown envelop (ORCR) ng gray Toyota Revo with plate no. XRZ 806.
Sinabi ni Azurin na matagal na nilang minamanmanan ang mga suspek na sangkot sa illegal drug trade sa Lanao del Sur, Marawi City at mga karatig lugar.
Sa ngayon ay nakapiit na ang mga suspek sa Balindong MPS at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.