-- Advertisements --

CEBU CITY – Patay sa pamamaril ang tinaguriang tagapagmana ng isang drug personality at ang trustee nito matapos umanong manlaban sa mga pulis sa isinagawang paghain ng warrant of arrest sa Brgy. San Nicolas, sa lungsod ng Cebu.

Kinilala ang subject na si Gerly Luwage at ang trustee nitong si Junel Lasam, at parehong mga residente sa Brgy. Lawaan III, Talisay City.

Ayon sa hepe ng Provincial Intelligence Branch (PIB) na si Capt. Alejandro Batobalunos, na matagal nilang pinaghahanap ang No. 1 most wanted na si Luwage nang dahil umano sa iligal na droga.

Dagdag pa ni Batobalunos, ipinagkatiwala umano ng napaslang na drug personality na si Steve Go ang kanyang illegal drug business at property kay Luwage.

Sinabi pa ni Batobalunos na matagal na ring nagtatago si Luwage at napadpad naman ito sa isang apartment sa Brgy. San Nicolas.

Base sa salaysay ng may-ari ng naturang apartment na nagpapakilala umano si Luwage na mayroon umano itong piggery business.

Sinabi rin ni Batobalonos na nanlaban daw ang dalawa nang inihain ng Provincial Intelligence Branch ang warrant of arrest kaya naman pinalibutan ng mga pulis ang buong apartment nang tumakas ang mga ito sa likurang bahagi.

Nagresulta naman ang naturang operasyon sa barilan kaya naman napatay ng mga pulis sina Luwage at Lasam at nasabat mula sa subject ang 200 grams ng shabu na nagkakahalaga ng P1,360,000.