-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Dead on arrival sa pagamutan ang dalawang drug suspects sa inilunsad na anti-drug operation ng pulisya sa Kidapawan City.

Nakilala ang mga nasawi na sina Tong Alba Sabandal, 42 anyos, may asawa at Tambak Abok, 29 anyos, binata pawang residente ng Sitio Labog Purok Mangga Barangay Amas Kidapawan City.

Ayon kay Cotabato Police Provincial Director Colonel Henry Villar na pinasok ng mga tauhan ng PNP Drug Enforcement Unit ang tahanan ng mga suspek dala-dala ang search warrant ng korte.

Ngunit bigla umanong nanlaban ang mga suspek at pinaputukan ang raiding team kaya napilitan itong gumanti.

Malubhang nasugatan sina Sabadal at Abok ng magtamo ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanilang katawan.

Naisugod pa ang mga suspek sa pagamutan ngunit hindi na ito umabot ng buhay.

Nakuha sa bahay ni Sabandal at Abok ang ilang gramo ng shabu, baril at mga drug paraphernalia.

Sa pahayag naman ng pamilya ng dalawang napatay na hindi ito nanlaban dahil wala silang armas at dudulong umano sila sa Commission on Human Rights.