-- Advertisements --

Patay ang dalawang hinihinalang drug personalities sa isinagasang operasyon ng mga operatiba ng Police Regional Office 4-A sa bayan ng Balayan, Batangas.

Ayon kay PRO4-A regional police director Brig. Gen. Edward Carranza ipapatupad lamang daw ng mga pulis ang bitbit na search warrant laban sa mga suspeks.

Pero pinaulanan umano ng bala ang mga otoridad dahilan kaya nag-retaliate ang mga pulis.

Isinugod pa sa ospital ang dalawang suspeks pero ideniklarang dead on arrival.

Kinilala ni Carranza ang napatay na dalawang suspeks na target sa operasyon na sina Gerry Castillejos, isang negosyante at si Ulyses Pantoja.

Kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 ang dalawa.

Inilunsad ang operasyon kaninang mag-alas-6:00 ng umaga sa bahay na tinutuluyan ng dalawang suspeks.

Nakuha mula sa dalawa ang kalibre .45 baril, mga magazine na may bala, bala para sa 9mm na baril, ilang sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.