-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nahanap na ng mga otoridad ang dalawang Dutch Nationals na nawala habang nagte-trekking sa kabundukan ng Brgy. Cambulo at Brgy. Pula sa Banaue, Ifugao.

Ang dalawang Dutch Nationals ay ang magkapatid na sina Roy Schouten, 22-anyos at ang kanyang nakababatang kapatid na si Rich Schouten, 19-anyos.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Banaue Municipal Police Station, dumating sa Batad, Banaue ang dalawa noong August 31 at natulog sa isang inn.

Noong September 1 ay pumunta sila sa Brgy. Cambulo at nagdesisyon sila na umakyat sa bulubundukin ng Brgy. Pula at ang alam nila ay lalabas sila sa Awan-igid Viewpoint, Ifugao.

Ayon sa pulisya nagtanong pa umano ang dalawang foreigner sa isang residente sa Sitio Buludna sa Brgy. Cambulo at sinabi naman umano ng residente na ibang daan ang tinatahak ng dalawa.

Subalit hindi umano naniwala ang dalawang foreigner sa itinurong daan ng lokal at nagtungo sila sa daan na papunta sa Barlig, Mt. Province.

Noong September 2 ay tumawag sa 911 ang isa sa foreigner at sinabing sila ay nawawala sa bulubundukin ng Banaue.

Nakipag-ugnayan ang pulisya sa Local Tourism Office ng Banaue subalit wala umano ang pangalan ng mga Dutch Nationals sa kanilang record.

Agad bumuo ng search and rescue team ang mga otoridad na kinabibilangan ng 2nd Ifugao Provincial Mobile Force Company, Banaue Municipal Police Station, Bureau of Fire Protection Banaue, Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, mga lokal na residente at mga tour guide.

Hapon ng September 3 nang makita ang dalawa sa bulubundukin ng Brgy. Cambulo at maayos naman ang kanilang kalagayan maliban sa tinamo nilang minor injuries.

Naibaba rin sila sa kabayanan at hinihintay pa kung anong magiging desisyon ng dalawa.

Mahigpit ngayon ang paalala ng mga otoridad sa mga aakyat na turista sa lugar na makipag-ugnayan sa local tourism office upang masamahan sila ng kanilang mga tour guide.