BAGUIO CITY – Ipinasakamay na ng 503rd Infantry Brigade, Philippine Army sa pulisya ang sundalong bumaril sa dalawang empleyado ng kapitolyo ng Kalinga na nagresulta sa pagkasawi ng isa sa mga ito sa Tabuk City.
Nakilala ang mga biktima na sina Denver Sangdaan Tubban, residente ng Purok 1, Bulanao, Tabuk City, Kalinga at Jenner Bananao Ewad, residente ng Magnao, Tabuk City, Kalinga.
Ang suspek naman ay nagngangalang Corporal Denmark Baddongon, kasapi ng 503rd Infantry Brigade, Philippine Army, na taga-Naneng, Tabuk City, Kalinga.
Sa interview ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ni Col. Davey Vicente Limmong, provincial director ng Kalinga Police Provincial Office, nasa kustodiya na ng militar ang suspek.
Batay sa report, nagtungo ang suspek sa Florendo Compound sa Purok 6, Bulanao, Tabuk City na may dalang baril at dito niya kinumpronta ang biktimang si Denver Tubban para sa reimbursement daw ng kanyang P2,000.
Kuwento ng testigo, dito na ipinutok ni Baddongan ang kanyang baril ng ilang beses kaya pinagsabihan ito ni Tubban.
Gayunman, tuluyang binaril umano ng suspek si Tubban ng ilang beses bago pinagbabaril si Ewad nang tinangka nitong tulongan ang sugatang si Tubban.
Dead on arrival sa pagamutan si Tubban na nagtamo ng anim na tama ng bala ng baril, habang nasa mabuti nang kalagayan si Ewad.
Napag-alamang nagpasundo sa militar ang suspek mula sa bahay ng kanyang ina at hindi ito naka-duty nang mangyari ang insidente.
Sinabi ni Col. Limmong na nasa impluwensiya ng alak ang suspek nang mangyari ang krimen.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon habang mahaharap na ang suspek sa murder at frustrated murder.