-- Advertisements --
elon musk

Kinumpirma ng Tesla, sikat na electric carmaker sa Estados Unidos, na dalawa sa mga empleyado nito ang nagpositibo sa COVID-19 matapos ang naging desisyon ng kumpanya na tigilan muna ang produksyon ng kotse ngayong linggo.

Sa inilabas na statement ni Laurie Shelby, safety chief ng Tesla, sinabi nito na dalawang linggo nang naka-work from home ang dalawang empleyado at hindi rin umano sila symptomatic noong pumapasok pa sa opisina.

Sinigurado naman ni Shelby na kapwa naka-quarantine na ang mga ito sa kani-kanilang mga bahay at kasalukuyang nagpapagaling.

“Their direct coworkers, who were already working from home for nearly two weeks as well, were immediately notified so they can quarantine and watch for symptoms,” dagdag pa ni Shelby.

Napagdesisyunan ng Tesla na pansamantala munang itigil ang kanilang produksyon sa San Francisco Bay Area Plant na matatagpuan sa Fremont, California matapos tukuyin ng mga otoridad na hindi essential business sa Tesla.

Ipinag-utos ng mga ito na dapat sumunod ang kumpanya sa ipinatutupad na stay-at-home rules sa buong California.

Binigyan naman ng option ang mga empleyado ng Tesla na nasa Palo Alto at iba pang lugar sa estado na mag-work from home dahil libo-libo pang plant workers ang patuloy na nagrereport sa trabaho.

Bilang tulong ay nagpadala naman si Tesla CEO Elon Musk ng libo-libong protective masks para sa mga healthcare workers at 1,200 ventilators na gagamitin sa mga ospital sa Los Angeles.

Ayon pa kay Musk, inihahanda na nito ang solar panel factory sa Buffalo, New York para simulan ang paggawa ng ventilators para tulungan ang New York City.

Nakikipag-ugnayan na rin uymano ang Tesla sa Medtronic para mas mapabilis pa ang produksyon ng ventilators.