-- Advertisements --

NAGA CITY – Nagpapatuloy pa rin hanggang sa ngayon ang bakbakan sa pagitan ng militar at pinaniniwalaang miyembro ng rebeldeng New People’s Army sa Barangay Lidong, Caramoan, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Maj. Ricky Anthony Aguilar, Chief ng Division Public Affairs Office ng 9th Infantry Division Philippine Army, sinabi nito na nagsimula ang palitan ng putok ng dalawang panig kaninang alas-2 ng hapon.

Nakasagupa umano ng militar ang nasa 80 miyembro ng nasabing grupo kung saan humingi na umano ng tulong ang Philippine Airforce ang 9th ID dahil na rin sa dami ng bilang ng kanilang kalaban.

Nangyari aniya ang engkwentro kasunod ng reklamo ng extortion activities ng nasabing grupo sa nasabing lugar.

Maliban dito, una ng naitala kaninang umaga ang isa pang engkwento na nangyari sa Barangay Itangon sa bayan ng Bula kung saan tinatayang 30 miyembro ng umano’y NPA ang nakasagupa ng sundalo.

Tumagal umano ng 30 minuto ang palitan ng putok na nag resulta sa pagkakarekober ng 3 backpacks at ilang subersibong dokumento.

Sa ngayon patuloy naman na bina-validate ng nasabing dibisyon kung may naitalang nasugatan o binawian ng buhay sa nasabing pangyayari.