Naghain ng reklamo sa Ombudsman ang 2 environment activists na sina Jhed Tamano at Jonila Castro laban sa mga awtoridad kaugnay sa umano’y pagdukot sa kanila noong Setyembre 2023.
Ang reklamong inihain ng 2 ay paglabag ng Anti-Enforced o Involuntary Disappearance Act of 2012 at Anti-Torture Act of 2009 gayundin ang grave coercion sa ilalim ng Revised Penal Code.
Ang mga respondent ay si National Security Council official Jonathan Malaya at mga miyembro ng Philippine Army (PA), National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), at Philippine National Police (PNP).
Sa 22 pahinang reklamong inihain ng 2 activists, sinabi ng mga ito na sila ay unlawfully arrested o dinukot ng mga sundalo mula sa 70th Infantry Battalion kasama ang NTF-ELCAC.
Sinabi din ng mga ito na pinilit silang mag-confess na sila ay surrenderees ng NPA.
Naging subject din umano sila ng panonorture ng mga dumukot sa kanila kung saan piniringan ang kanilang mga mata sa loob ng isang araw habang sila ay isinailalim sa matinding interogasyon at mga banta na sila ay papatayin hanggang sa sila ay pumayag na iharap sa press conference noong Setyembre 19.
Hiniling din ng 2 sa Ombudsman ang preventive suspension ng mga respondent nang walang bayad o benepisyo sa gitna ng imbestigasyon
Hiniling din ng mga ito na matanggal mula sa serbisyo ang nasabing mga respondent.