-- Advertisements --
image 115

Dalawang high school students ang natagpuang patay sa loob ng eskwelahan sa Taguig nitong Biyernes na pinaghihinalaan ng mga awtoridad na kinitil ang kanilang sariling buhay.

Ang mga biktima ay Grade 8 at Grade 10 students sa Signal Village National High School (SVNHS), ayon sa ulat ng Southern Police District.

Batay naman sa saksi na kinilala ng pulisya bilang “Danielle,” sinabi nitong huli niyang nakitang buhay ang dalawang estudyante alas-7:45 ng gabi noong Nobyembre 10.

Kalaunan ay napag-alaman sa kanilang group chat na hindi umuwi ang dalawa nang gabing iyon. Ayon pa sa mga pulis, agad umanong hinanap ni “Danielle” ang dalawa at nakita na lamang niya ang mga ito na walang buhay sa loob ng isang opisina sa kanilang eskwelahan, alas onse ng gabi.

Samantala, nanawagan naman ang pinsan ng isa sa mga biktima sa mga guro at kaklase na lumapit at aminin ang kung anuman na kanilang nalalaman sa pagkamatay ng dalawang estudyante. Giit pa nito sa isang online post, tikom pa rin ang naturang eskwelahan hinggil sa insidente at wala umanong CCTV sa loob ng eskwelahan.

Base sa inisyal na ebidensyang nalakap ng Philippine National Police-Taguig, wala umanong nangyaring foul play sa insidente. Pinakiusapan rin nila ang publiko na iwasan ang paggawa ng haka-haka hinggil sa nangyari sa dalawang menor de edad.

Ang Department of Education naman ay nagpahayag ng pakikiramay sa mga naulilang pamilya. Kasabay nito ang pagtiyak ng kagawaran na makikipagtulungan sila sa PNP Taguig para sa mabilis na pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa usaping ito.

Sa kabilang banda naman, ayon sa Local Government Unit ng Taguig City sa pangunguna ni Mayor Lani Cayetano, patuloy ang isinasagawang re-training para sa mga volunteers ng programang HOPE (Helping Others find Peace and Encouragement) ng lungsod.

Sinabi ng alkalde na ang mga counselors, psychiatrists, at psychologists ay ipapadala sa nasabing eskwelahan. Dagdag pa nito ang mga residente ng Taguig ay maaari ring makipag-ugnayan sa Taguig Mental Health Teleconsultation Hotline (0929-521-8373).