Naniniwala ang dalawang dating commissioner ng Bureau of Customs (BOC) na panahon na para mapuksa ang Tara systems sa ahensiya.
Ito ang inihayag nina dating Customs Commissioners Nicanor Faeldon at Isidro Lapena sa pagpapatuloy ng pag-dinig ng Quad Committee.
Ayon kay Manila Rep. Bienvenido Abante na malaking pahirap sa taumbayan ang tara system.
Iinihalimbawa ng kongresista pagpapalusot ng smuggled commodities na nagpapamahal sa mga bilihin gaya na lang ng bigas.
Sa hiwalay na interpelasyon ni House Deputy Minority Leader France Castro, inamin nina Faeldon at Lapena na sa kabila ng mga pagsisikap nilang masawata ang tara system, hirap silang makakuha ng suporta mula sa mga importers.
Sabi ni Faeldon, pinagsumit niya ang nasa 12,000 importers at brokers ng listahan ng mga opisyal ng customs na tumatanggap ng lagay o tara, ngunit hanggang sa ngayon, wala aniya nagpasa.
Nag-delist na rin siya ng higit 4,000 na importers at brokers. Ngunit hangga’t walang tumetestigong importer o broker ay mahihirapan silang makasuhan ang mga sangkot sa tara system.
Mungkahi ni Castro, magsagawa ng mala-buy-bust operation ang customs para mahuli ang mga sangkot sa tara.
Pagbabahagi naman ni Lapena, ginawa na nila ito noon, ngunit last minute ay biglang umatras ang importer dahil baka maapektuhan aniya ang kaniyang negosyo.