ROXAS CITY – Nakatakdang sampahan ng kasong murder ang dalawang construction workers at mga ex-convict na suspek dahil sa pagpatay sa punong barangay sa isang KTV Bar sa Mckinley St., Barangay III, Roxas City.
Kinilala ang mga suspek na sina Virgilio Vigor at Joseph Jamora na kapwa mga residente ng lalawigan ng Iloilo at parehong mga ex-convict.
Sugat sa dibdib at tagiliran naman ang natamo ni Punong Barangay Ruben “Godo” Fuentes na nagresulta ng kanyang kamatayan matapos sinaksak ng suspek.
Maliban dito, nagtamo rin ng sugat sa tiyan ang tanod nito na si Cesar Edrosolano na patuloy ngayong ginagamot sa ospital.
Una nang nagresponde ang naturang opisyal at tanod nito matapos na nakatanggap ito ng impormasyon na mayroong kaguluhan sa nasabing KTV bar.
Nabatid na sinubukan lamang ni Fuentes na kausapin ang suspek ngunit bigla na lamang itong sinaksak ng suspek.
Tinulungan pa ni Edrosolano ang naturang opisyal ngunit sinaksak din ito sa tiyan ni Vigor at patuloy ngayong ginagamot sa ospital.
Sa kabila nito, mabilis na tumakas si Vigor kasama si Jamora ngunit mabilis naman sila nahanap ng mga otoridad.
Narekober ng mga pulis kay Jamora ang kutsilyong ginamit sa pananaksak sa mga biktima.