BAGUIO CITY – Bibida sa romantic comedy na “Re-Live: A Tale of An American Island Cheerleader” ang mga award-winning Filipino-American actress sa Hollywood na sina Rain Valdez at Rachel Leyco.
Ang romcom ay tungkol sa isang high school sa Guam na nagdesisiyong gumawa ng isang “Do-Over-Week” para sa kanilang 10-year class reunion.
Ang proyekto naman ay isinulat rin ng dalawang aktres, na tumatayo rin bilang mga producer ng proyekto na una ng nagwagi sa Inside Out LGBTQ Pitch Please 2019.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa Emmy-nominated trans Pinay na si Valdez, inamin nitong masaya siya sa patuloy na pagkilalang naibibigay sa mga Pilipino sa Amerika at proud siya na maidala ang kanyang pagiging Pinoy sa Hollywood scene.
Kwento rin nito na looking forward siyang makabalik sa Pilipinas. Huling nakapasyal ang aktres sa bansa noong 2009.
“I feel a little bit removed because I’m here in the mainland [US], and I don’t get to visit as often as I like. Just know that I think about you all the time. I think about my culture all the time. I think about my identity as a Filipino-American all the time and I take it to me with my work, everywhere I go. I’m always representing and rooting for us. I hope to visit soon!”
Kamakailan lang ay natanggap ni Valdez mula sa 72nd Primetime Emmy Awards ang kanyang kauna-unahang Primetime Emmy nomination para sa “Outstanding Actress in a Short Form Comedy or Drama Series” matapos ang kanyang critically-acclaimed performance sa web series na “Razor Tongue”.
Ang aktres na tubong Manila ang first-ever Fil-Am transgender actress na nakatanggap ng nominasyon.