Kinasuhan na ang dalawang indibidwal na umano’y nagsasagawa ng fixing activities sa kasagsagan ng pagdagsa ng mga pasahero sa Batangas Port noong Christmas rush.
Maalalang naaresto ang dalawa sa isinagawang entrapment operation ng Philippine National Police – Maritime Group, Philippine Ports Authority Port Police, at Philippine Coast Guard-Batangas noong Dec. 23 sa Batangas Port.
Ayon sa PPA, kasong paglabag sa Article 318 ng Revised Penal Code o fraudulent act ang kakaharapin ng dalawang suspek.
Ayon pa sa ahensiya, nagdesisyon ang mga otoridad na ipursige ang naturang kaso upang maging aral ito sa publiko, lalo na sa mga posibleng magtatangka pang gumawa nito sa mga susunod na araw.
Muli ring kinundena ng PPA ang mga fixer na umano’y nagpapahirap sa mga pasahero na umuuwi sa kani-kanilang mga probinsya ngayong holiday.
Samantala, ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, hindi konektado sa sinumang empleyado ng ahensiya ang dalawang nahuling fixer.
Mananatili aniya ang kampaniya ng ahensiya na labanan at tuldukan ang pag-iral ng mga ito, kasabay ng programa nitong modernisasyon sa mga pantalan at ang kabuuan ng port service and operations.
Muli ring umapela ang PPA sa publiko na kung sakali mang may magtangka na mag-alok ng mga fixing activities, agad na ipagbigay-alam ito sa kinauukulan para mabigyan ng kaukulang aksyon.