BAGUIO CITY – Arestado ang dalawang forest guards ng Department of Environmental and Natural Resources (DENR) dahil sa pangingikil ng mga ito sa isang grupo ng mga small scale miners sa bayan ng Itogon sa lalawigan ng Benguet.
Nahuli ang mga ito sa isinagawang entrapment operation ng Itogon Municipal Police Station sa Baguio Gold, Tuding, Itogon, Benguet, alas-3:10 kahapon.
Nakilala ang mga suspek na sina Danilo Pal-iwen Atompa, 54, may asawa, residente ng North Sanitary Camp, Baguio City; at Dino Landisan Lasaten, 58-anyos, may asawa at residente ng Quezon Hill, Baguio City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ni Police Major Romel Sawatang, hepe ng Itogon PNP, na nakumpiska mula sa mga suspek ang P8,000 “boodle money”, dalawang piraso ng original P1,000 marked money, DENR ID cards at ang cellphone na nagamit sa transaksiyon.
Ayon sa kanya, humingi ng tulong sa Itogon PNP ang mga minero dahil sa pangingikil umano sa kanila ng mga nahuling suspek.
Aniya, humihingi ng pera ang dalawang forest guards ng pera kapalit ng hindi nila pagpapahuli sa mga minero na naghahakot ng mga reserbang gold ores.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong robbery-extortion.