-- Advertisements --
judo watanabe sea games

SAN FERNANDO, Pampanga – Hindi nagpaawat ang mga pambato ng Team Pilipinas sa larong judo na kOmolekta ng dalawang gintong medalya sa kani-kanilang mga event sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Unang nagbigay ng gintong medalya ang Pinay judoka na si Kiyomi Watanabe na muling dinomina ang nilahukang women’s under 63 kgs event.

Sa bakbakang ginanap sa Laus Group Event Center sa San Fernando, Pampanga, walang hirap na itinumba ni Watanabe ang pambato ng Malaysia na si Azman Nik Nik sa loob lamang ng apat na minuto.

Bunsod nito ay matagumpay na napangalagaan ni Watanabe ang kanyang korona sa loob ng apat na magkakasunod na edisyon ng SEA Games.

Una nang sinabi ni Philippine Judo Federation president David Carter na isa si Watanabe sa inaasahan nilang magbibigay ng karangalan para sa bansa.

Samantala, nagtala ng come from behind win ang Pinoy judoka na si Shugen Pablo Nakano nang dominahin nito ang mens 66 kgs event.

Nadagit ni Nakano ang ginto nang maisahan nito ang pambato ng Indonesia na si Budi Prasetiyo.

Bago ito, umusad si Nakano sa gold medal match matapos nitong magapi ang Cambodian na si Moeu Meas.

Sa kabilang dako, nakamit naman ni Gilbert Ramirez ang kanyang ikalawang panalo nang magwagi ito kontra sa pambato ng Lao sa 81 kg round robin.

Target ng judo federation na makapag-ambag ng apat hanggang limang gintong medalya para sa delegasyon ng bansa.