-- Advertisements --

Matumal pa rin ang pagpasok ng gold medals para sa Pilipinas sa nagpapatuloy na Southeast Asian Games na ginaganap sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Nitong araw (as of 6:30pm), dalawang medalyang ginto ang nadagdag sa kampanya ng Pilipinas kaya naman nananatili pa rin ito sa ika-anim na puwesto na may 17 gold medals.

Nasungkit ng Pilipinas sa taekwondo ang gold medal sa Men’s Team Poomsae event na binubuo ng trio na sina Dustin Jacob Mella, Raphael Enrico Mella at Rodolfo Reyes Jr.

Sa Men’s Individual Poomsae nanalo rin ng bronze medal si Reyes Jr.

Sa larangan ng judo nagwagi ng gold medal si Kiyomi Watanabe sa Women’s 63kg.

Sa athletics, naibulsa naman ni Clinton Kingsley Bautista ang bronze medal sa Men’s 110m hurdles.

Ang equestrian team ng Pilipinas ay nag-ambag ng silver medal sa Team Show Jumping event na kinabibilangan ng Olympian na si Marie Antonette Leviste at mga kasama na sina Colin Syquia, Joker Arroyo at Chiara Sophia Amor.

Sa larangan ng water ski naibulsa ni Mark Griffin ang bronze medal sa Individual Wakeboard events.

Ang mag-tandem naman na sina Angelo Morales at Marcelito Pancho ay umabot sa silver medal sa Lawn Balls Pairs event.

Hindi naman umubra ang Pinay tennis player na si Anna Clarice Patrimonio sa bigating world’s No. 85 Luksika Kumkhum ng Thailand sa finals ng Women’s singles event kaya nagtapos ito sa silver medal.

Ang Pinoy Olympian na si Daniel Patrick Calauag ay hanggang bronze medal sa Men’s BMX event.

Si Keisei Nakano ay nag-uwi naman ng bronze medal sa Men’s 73kg sa judo.

Sa ibag pang event, bronze medal din ang napanalunan sa Women’s Team Poomsae na binubuo nina Rinna Babanto, Juvenille Faye Crisostomo at Jocelyn Lyn Ninobla.

Sa ice skating, marami ang nadismaya dahil ang Olympian na si Michael Martinez ay nakasungkit lamang ng silver medal sa Senior Men Short Program kung saan ang gold medal ay napunta sa pambato ng host Malaysia.

Napakalaki ang ibinigay na score ng judges sa nanalo na si Julian Zhe-Je Yee ng Malaysia na 73.03, habang si Martinez ay nasa 54.74 total score.

Gayundin silver medal ang tinapos ng Pinay athlete na si Alisson Perticheto sa Figure Skating Women’s Short program.

Samantala umaasa ang mga sports fans na makadagdag pa ng gold medal ang bago matapos ang araw ng Sabado dahil sa meron pang mga final’s event sa billiards, swimming, men’s basketball at iba pa.