CENTRAL MINDANAO-Sumiklab muli ang engkwentro sa pagitan ng dalawang grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa lalawigan ng Maguindanao Del Sur.
Sinabi ni Rajah Buayan Chief of Police Captain Joel Lebrilla na ang grupo nina Ustadz Daya Mamo ng 105th Base Command at Commander Patrick ng 128th Base Command ng MILF ay nagkasagupa sa hangganan ng Rajah Buayan at Sultan sa Barongis Maguindanao Del Sur.
Lumikas ang mga sibilyan sa mga ligtas na lugar sa takot na maipit sa kaguluhan.
Umabot ng limang oras ang kalat-kalat na palitan ng bala sa pagitan ng magkaaway na grupo na pawang magkakamag-anak lamang.
Kinumpirma ni Kapitan Lebrilla na ang ugat ng hidwaan ay awayan sa pamilya sa lupa na kanilang sinasaka.
Apat ang naiulat na namatay at lima ang nasugatan sa engkwentro ng dalawang grupo.
Matatandaang noong nakaraang araw ay nagkaroon din ng engkwentro ang grupo ng 105th at 106th Base Command ng MILF.
Humupa lang ang engkwentro ng mamagitan ang mga matataas na opisyal ng MILF.