KORONADAL CITY – Gumagawa na nang hakbang sa ngayon ang Armed Forces of the Philippines at Moro Islamic Liberation Fron (MILF) – Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) upang humupa ang putukan sa pagitan ng dalawang armadong grupo na kasapi ng MILF.
Ito ang inihayag ni 601st Infantry Brigade Commander BGEN Oriel Pangcog sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay General Pangcog, nagkapalitan ng putok ang grupo nina Rasol Guiaman ng 118th Base Command laban sa grupo ni Aladin Kamal ng 106th Base Command.
Sumiklab ang tensiyon sa dalawang grupo matapos ang nangyaring pamamaril-patay kay Abdulraop Silongan ng Barangay Manungkaling Mamasapano Maguindanao del Sur.
Dagdag pa ng opisyal, ang military ang nakipag-ugnayan sa MILF CCCH upang mag-imbestiga at maayos ang anumang hindi pagkaka unawaan ng dalawang panig.
Napag-alaman na isa sa mga nakikitang dahilan ay ang rido o family feud ng magkabilang panig kaya’t muling sumiklab ang engkwentro.
Dahil sa nangyari ilang pamilya na nagsilikas sa lugar sa takot na maipit sa putukan.
Ang nasabing mga residente ang lumikas sa Barangay Tuka sa kalapit bayan ng Rajah Buayan at sa public market ng bayan kung saan pansamantala silang nanuluyan.
Sa ngayon, patuloy na nakaantabay ang militar sa lugar upang mapigilan ang anumang karahasan.