-- Advertisements --

Dalawang Guiness World Record title, nakuha ng Kalinga:Largest Gong Ensemble at Largest Banga Dance

TUGUEGARAO CITY-Nakakuha ng dalawang Guiness World Record Title ang lalawigan ng Kalinga na largest gong ensemble at largest banga dance na tinawag nilang “Awong Chi Gangsa” o “Call for a Thousand Gongs” at “Agtu’n Chi Banga” o Dance of a Thousand Pots na bahagi ng selebrasyon ng 28th Founding Anniversary at Bodong Festival ng Kalinga.

Ginawa ni Kazuyoshi Kirimura, Guinness Word Records Official Adjudicator ang anunsiyo kagabi pagkatapos ng palabas.

3, 440 na mga lalaking YKalinga ang tumugtog ng kanilang gong at 4, 681 na mga babaeng Kalinga ang sumayaw na may “banga” o pots sa kanilang mga ulo.

Hindi nagpatinag ang mga participants sa pagbuhos ng ulan at ilang oras na nagtatanghal sa sports complex ground habang isinasagawa ang pagbibilang at screening ni Kirimura.

Dumaan ang gong players at pot dancers na magkasunod na nagtanghal sa mahigpit na performance criteria na itinakda ng Guiness World Records.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Kalinga na makakuha ng nasabing prestihiyosong records matapos ang unang pagtatangka noong 2018.

Lahat ng pitong bayan at isang lungsod ay may kinatawan sa nasabing aktibidad.

Kaugnay nito, sinabi ni Governor James Edubba na ang ibig sabihin ng “Awong Chi Gangsa” ay unity o pagkakaisa habang ang “Agtu’n Chi Banga” ay simbolo ng hospitality ng mga taga-Kalinga.

Naging panauhing pandangal si Defense Secretary Carlito Galves kung saan siya ay itinuring na adopted son ng Kalinga at binigyan siya ng pangalan na “Dalutag” na ang ibig sabihin ay matapang at malakas na chieftain.