2 GUNBAN VIOLATORS HULI SA ISINAGAWANG OPERASYON NG OTORIDAD SA GENSAN
GENERAL SANTOS CITY – Alinsunod sa kagustuhang maging maayos ang darating na halalan, mas pinalakas pa ng pwersa ng pulisya sa Gensan ang pagpapatupad ng election gun ban.
Ito ay matapos maaresto sa magkahiwalay na pangyayari ang dalawang lumabag sa ipinatupad na gun ban. Bagamat hindi na pinangalanan ang mga ito, ngunit ayon sa pulisya nasa kustodiya na nila ang nasabing mga violators.
Sinabi rin ni Police Lt. Col. Rexor Canoy, tagapagsalita ng pulisya sa lungsod na nakahuli nila ang unang suspek sa Buayan checkpoint matapos ang masusing imbestigasyon.
Gayunpaman, hindi rin ibinunyag ni Canoy ang uri ng armas na dala ng suspek ngunit sinabi nito na simula nang ipatupad ang Comelec gun ban, mahigpit na ang seguridad sa mga entry point ng lungsod.
Ayon sa kanya, iginagalang naman nila ang karapatan ng lahat ng dumadaan sa checkpoint ngunit ito ay ipinatutupad sa pamamagitan ng plain view doctrine.
Nilinaw nito na hindi lamang motorsiklo ang kanilang sinusuri, kundi pati na rin ang mga iba pang mga sasakyan, ngunit mas tinututukan nila ang mga motorsiklo dahil kadalasan sa mga nangyaring pamamaril sa lungsod, motorsiklo ang ginagamit bilang get away vehicle.