-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Patay ang dalawang gun-for-hire nang manlaban umano sa mga pulis sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga nasawi na sina Bots Midsayak Ganawan, 38, may asawa at Imbran Midsapak, mga residente ng Purok Central, Barangay Magatos, Kabacan, Cotabato.

Ayon sa ulat ng Matalam PNP, nakatanggap sila ng impormasyon sa dalawang katao na kahina-hinala ang kinikilos sa harap ng isang gasoline station sa Barangay Poblacion, Matalam, Cotabato.

Nang magresponde ang mga pulis at sinita ang mga suspek ay mabilis itong tumakas sakay ng kanilang motorsiklo at nagpaputok.

Napilitan ang mga pulis na paputukan rin sina Ganawan at Midsapak kaya ito ay nasawi.

Narekober ng mga pulis sa posisyon ng mga suspek ang isang kalibre .45 na pistola, dalawang magasin, mga bala, isang motorsiklo, pitaka, isang pakete ng shabu at ibang personal na kagamitan.

Ang mga suspek ay gun for hire na sangkot sa bentahan ng pinagbabawal na droga at robbery hold-up.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Matalam PNP sa naturang pangyayari.