-- Advertisements --

LA UNION – Nakahanda na ang kasong ihahain sa piskalya laban sa dalawang security guard na nahuling nagbebenta umano ng ipinagbabawal na gamot sa Brgy. Caoigue, bayan ng Tubao, La Union.

Nakilala ang mga suspek na sina Lyean Joer Maboslog, 42, residente sa nasabing barangay; at Alejardro Villaluz Jr., 40, residente ng Barangay Baraoas Sur sa bayan naman ng Naguilian.

Nabatid ng Bombo Radyo mula sa Tubao Police, isang sachet na naglalaman hinihinalang shabu at P500 bill na buy bust money ang nakumpiska sa mga suspek.

Patuloy pa rin na inaalam ng mga otoridad ang pinaggagalingan umano ng droga na hawak ng dalawang guwardya.

Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang reklamong ihahain ng pulisya laban sa mga salarin.