-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nakumpiska ng militar ang limang anti-personnel mines, mga gamot at personal na kagamitan ng higit 100 miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa magkaibang bahagi ng Northern Mindanao.

Ito ay matapos hiwalay na nagsagawa ng military operations ang tropa ng 8th IB, Philippine Army ng Bukidnon at 65th IB, Philippine Army ng Cagayan de Oro City laban sa dalawang grupo ng CPP-NPA sa rehiyon.

Sinabi sa Bombo Radyo ni 403rd IB, Philippine Army commander Brig Gen Edgardo de Leon na unang nakubkob ng 65th IB ang hideout ng nasa 20 NPA members na tumakas sa Lanao del Sur na tinugis din ng 103rd IB, Philippine Army ni Brig Gen Romeo Brawner Jr.

Inihayag ni De Leon na napilitang mapadpad ang mga nabanggit na NPA fighters sa Barangay Pigsag-an,Cagayan de Oro City dahil una nang naagaw ng 49th IB, Philippine Army ang training medical facility nila sa Lanao del Sur.

Dagdag ng heneral na naabutan ng kanilang kasamahan na nanghihingi umano ng mga pagkain ang ilan sa mga rebelde kaya nasundan nila ang hide-out at narekober ang anti-personnel mine at ibang kagamitan pandigma.

Samantala, napatakbo rin at naagaw ng militar ang isa pang hideout ng NPA fighters sa Barangay Bolonay,Impasug-ong, Bukidnon.

Nagkapalitan ng matinding barilan nang magkasabay ang tatlong kumander ng North Central Mindanao Regional Committee ng NPA habang napasok ng militar ang hideout nila sa Bukidnon.

Maliban sa nakubkob na hideout na kayang maka-accomodate ng 150 bunkers, nakumpiska rin ng militar ang apat na unexploded anti-personnel mines, wires at mga pasa ng maraming dugo habang iniwan ng mga rebelde ang lugar.

Banggit pa ni De Leon na ang sabay-sabay na pakikipaglaban ng tatlong NPA commanders sa Bukidnon ay patunay na humihina na ang kilusan na nais itakwil ang gobyerno.

Bagamat sa dalawang magkahiwalay na military operations, tatlo sa kanilang mga kasamahan ang sugatan na kasalukuyang naka-confine sa Camp Evangelista Station Hospital ng Cagayan de Oro City sa loob lamang ng linggong ito.