KORONADAL CITY – Boluntaryong sumuko sa mga otoridad ang isang high ranking leader ng Central Musa, Guerilla Front Musa, Far South Mindanao Region ng New Peoples Army (NPA-FSMR) kasama ang 11 mga kasamahan nito sa laliwgan ng Sultan Kudarat.
Ayon kay Lt Col. Romel Valencia, commanding officer ng 7th Infantry Battalion, ang nasabing mga rebelde ay nagmula sa mga bayan ng Isulan at Senator Ninoy Aquino (SNA).
Unang sumuko ang grupo ni alias Simon, Platoon Commander ng Central Musa, Guerilla Front Musa at anim na kasamahan nito.
Bitbit ng mga ito sa kanilang pagsuko ang limang mga high powered firearms na kinabibilangan ng isang 7.62mm M14 rifle, dalawang caliber .30 garand rifles, isang Browning automatic rifle, isang caliber .45 pistol, at dalawang homemade 12-gauge shotgun.
Sumunod na bumalik-loob sa gobyerno ang grupo ni Pinaso Pugoyan at apat naman na kasamahan nito sa Platoon Dabu-dabu, EDF, SCRD FSMR.
Kasama nila sa pagsuko ang iba’t ibang matataas na kalibre ng baril at bala.
Napag-isipan umano ng mga ito na sumuko para sa kapayapaan ng kanilang pamilya matapos ang nangyaring pagkamatay ni Ka Oris.
Ipinasiguro naman ng opisyal na makakatanggapn ng tulong ang mga sumukong rebelde sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP).