BUTUAN CITY – Pinoproseso na ng mag-live in partner na mga miyembro ng communist terrorist group ang mga papeles na kinakailangan upang kanilang ma-avail ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) matapos ang kanilang pagsuko sa mga otoridad.
Nakilala ang mga sumukong sina alyas Renan/Gander/Nicor/Kiro, 32-anyos, residente ng Brgy. Maraiging, Jabonga, Agusan del Norte na Vice Commanding Officer ng Regional Sentro de Grabidad (RSDG) sa ilalim ng North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC) at ang kanyang live-in partner na si alyas Kiara, 29-anyos, residente rin sa nasabing lugar at umano’y medic ng Regional Sentro de Grabidad (RSDG) sa natura ring Regional Committee.
Ayon kay PRO-13 regional information officer PMajor Dorothy Tumulak, nalista sila sa ilalim ng 4th Quarter 2020 Periodic Status Report (PSR) at nilisan ang rebolusyunaryong kilusan nito lamang Enero ngayong taon bitbit ang kani-kanilang M14 rifle na mayroon pang mga bala.
Nagdesisyon silang sumuko upang makasama na ang kanilang mga pamilya at mamuhay na normal na hindi umano matutupad kung mananatili sila sa makaliwang kilusan.
Inalam pa rin kung may kinakaharap ba silang kaso o wala.