Nahaharap sa patung-patong na kaso ang dalawang indibidwal sa lungsod ng Caloocan na lumabag sa mga panuntunan kaugnay sa umiiral na enhanced community quarantine sa buong isla ng Luzon bunsod ng coronavirus disease (COVID-19).
Una rito, nangyari ang insidente sa bahagi ng 12th Avenue, Florencia St., Brgy-68, Caloocan City nitong Martes ng hapon.
Inireklamo kasi ni Barangay Chairman Romeo Giron Jr. at Barangay Ex-O Tessie Galan ang mga suspeks na sina Ronaldo Rio, 41; at Mary Rose Raguindin, 18.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagsasagawa ng information gathering sa kanyang mga constituents ang barangay chairman kasama ang mga tauhan ng Barangay 68 hinggil sa implementasyon ng enhanced community quarantine nang biglang dumating ang suspek na si Rio.
Nagsisigaw at gumawa rin ito ng eksena sa lugar, dahilan para lapitan ito ni Giron at pagsabihan pero nagresulta ito sa isang mainit na argumento kung saan sinuntok ni Rio ang chairman.
Sa kabilang dako, tumugon din si Galan kasama ang mga arresting officers sa nangyaring komosyon pero ang suspek na babae na si Raguindin na kasabwat ni Rio ay binugbog si Galan.
Kulong ngayon ang dalawa sa Caloocan police station at nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 9 ng Republic Act 11332 na may kaugnayan sa Proclamation 922 at Direct Assault.