Muling nakarekober ng dalawang bangkay ang Philippine Coast Guard (PCG) ngayong Huwebes, Abril 17 mula sa lumubog na MV Hong Hai 16 sa Rizal, Occidental Mindoro.
Batay sa PCG natagpuan ang unang bangkay bandang alas-8:15 ng umaga sa accommodation area ng barko, habang ang ikalawa naman ay natagpuan ala-11:36 ng umaga sa cabin sa main deck.
Hindi pa naa-identify ang mga biktima habang hinihiling sa mga survivor na tumulong sa pagkilala. Sa ngayon, pito na lang ang nawawala mula sa 25 sakay ng barko — 13 Pilipino at 12 Tsino.
Naglagay na rin ang PCG ng 250 metrong oil spill boom bilang pag-iingat, kahit wala pang nakikitang tagas ng langis sa paligid.
Nilinaw pa ng PCG na walang kargang crude oil ang barko, at maaaring mag-evaporate lamang ang automotive oil.
Patuloy ang sinasagawang search and rescue operations ng PCG, habang sinisiguro rin ang kaligtasan ng kanilang mga tauhan.