-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Grupo umano ng New People’s Army (NPA) ang naglibing ng dalawang bomba sa gilid ng kalsada sa probinsya ng Cotabato.

Ayon kay 602nd Brigade commander Brig. Gen. Roberto Capulong na tumanggap sila ng impormasyon mula sa mga sibilyan sa iniwan na IED ng mga NPA sa Sitio New Leon, Brgy Latagan, Matalam, North Cotabato.

Agad na nagresponde ang tropa ng 7th Infantry Battalion Philippine Army, Matalam MPS at mga tauhan ng Explosive Ordnance Disposal Team.

Ibinaon ng mababaw sa lupa sa gilid ng kalsada ang dalawang bomba na posibleng patibong ng mga NPA sa convoy o magpapatrolyang mga sundalo.

Hinukay ng EOD team ng Philippine Army ang dalawang bomba at kusang pinasabog.

Matatandaan na apat na mga NPA ang nasugatan sa engkwentro ng 7th IB sa Brgy Latagan sa bayan ng Matalam, Cotabato.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang combat clearing operation ng militar laban sa mga NPA sa hangganan ng Matalam at President Roxas, Cotabato.