Todo alerto na at patuloy na iniimbestigahan ng Philadelphia police ang sinasabing balak na pang-aatake sa Pennsylvania Convention Center.
Una rito, nakatanggap ng tip ang mga otoridad tungkol sa isang grupo na marahil ay isang pamilya na nagmula pa sa Virginia upang atakehin umano ang Convention Center kung saan binibilang ang mga boto sa Philadelphia.
Isang lalaki ang nasa kustodiya na ng pulisya dahil sa nasabing report ngunit hindi pa maliwanag kung konektado ito sa planong pang-aatake.
Ngunit may narekober na armas ang mga otoridad sa kaniyang posisyon.
Samantala, nagsagawa naman ng kaliwa’t kanan na kilos protesta ang mga supporters ni Trump sa Michigan at Arizona.
Nagmartsa ang ilang mga residente sa Chicago, Los Angeles, Seattle, Houston, Pittsburgh, Minneapolis at San Diego sabay sigaw ng “stop the steal.”
Samantala, nanindigan ang House Republicans na lalaban sila kasama ang kampo ni US President Trump sa kontrobersyal na resulta ng bilangan ng mga boto.
Sinabi ni House GOP leader Kevin McCarthy sa isang interview, naniniwala sila sa sinabi ng Republican President at kumbinsido na may nangyaring pandaraya sa mga boto na ayon sa ilang mga observers ay wala namang ebidensya.
Dahil dito, hinimok ni McCarthy ang mamamayan ng Amerika na bantayan ang dayaan sa botohan.
Aniya, hindi dapat manahimik ang taongbayan dahil hindi nila maaaring payagan na mangyari ito sa harap ng kanilang mga mata.
Una nang inireklamo ni Trump nang pandaraya raw sa bilangan ng botohan sa mga estado ng Pennsylvania, Georgia, Nevada at Arizona.
Kung maalala, ibinasura ng mga korte sa Georgia at Michigan ang isinampang kaso ni US President Donald Trump laban sa umano’y nagaganap na iregularidad sa bilangan ng boto para sa 2020 US presidential elections.
Ayon sa mga huwes na duminig sa mga lawsuits, wala naman daw maipakitang mga ebidensiya ang mga abogado ni Trump. (with report from Bombo Jane Buna)