-- Advertisements --

LAOAG CITY – Isang tao ang namatay at isa ang nasugatan matapos makuryente ang mga ito sa Brgy. 17 sa bayan ng San Nicolas dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Ayon kay Mr. Leonard Bernabe, isa sa mga biktima at nakaligtas sa insidente, nag-iinuman sila sa isang party nang biglang tangayin ng malakas na hangin ang kanilang tent kasabay ng malakas na ulan, kulog at kidlat.

Aniya sa kalagitnaan ng inuman ay nakuryente siya kasama ang isa niyang kainuman na kinilalang si Mr. Curammeng.

Nawalan umano sila ng malay kaya dinala ang mga ito sa ospital para gamutin ang kanilang mga sugat.
Subalit, idineklarang namatay si Curammeng dahil sa mga malalang sugat na tinamo ng kanyang katawan.

Napag-alaman na lalapit na sana si Curammeng para iligtas si Bernabe nang makita itong nakahandusay sa lupa ngunit nakuryente rin ito nang husto.

Dagdag pa niya, walang live wire sa pinangyarihan ng insidente kaya hindi nila matukoy ang posibleng pinagmulan ng kuryente.