DAVAO CITY – Nakatapagtala ang Police Regional Office (PRO-Davao) ng dalawang indiscriminate firing incidents sa rehiyon ngunit walang naitalang casualties sa kasagsagan sa pagsalubong ng bagong taon.
Sa report mula sa PRO-Davao, ang unang insidente ay kinasangkutan ng isang security guard na sinasabing nagpaputok ng kanyang armas.
Nakilala ito na si Gentiles Vincent Redito, lalaki, 37, residente ng Purok 1, Kinamayan, Sto. Tomas, Davao del Norte na sinampahan ng kaso dahil sa iligal na pagpapaputok ng armas.
Nangyari ang insidente sa C55 Realty Incorporated sa Matina Aplaya sa lungsod kung saan naka-duty ito bilang security guard ng aksidente na nahulog at pumutok ang kanyang armas sa sahig ng nasabing establisyemento.
Naalarma ang mga customer dahilan na rumesponde ang mga personahe ng Intelligence Branch ng Davao City Police Office (DCPO).
Agad naman na lumabas sa bilangguan ang nasabing security guard dahil walang nagsampa ng reklamo at legal naman ang dokumento ng kanyang armas.
Samantalang nahuli rin ng mga otoridad ang isang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) sa Barangay Magsaysay, Carmen, Davao del Norte.
Sinasabing pinaputok ng isang Aldrin Torres Carillo, 18, binata, laborer at residente sa Purok 3-A sa nasabing lugar ang kanyang armas sa harap mismo ng kanyang ama sa kanilang bahay.
Narekober sa kanyang posisyon ang isang unit ng homemade handgun o sumpak na may isang fired cartridge case ng .38 revolver.
Nakakulong ngayon ang suspek sa Carmen Municipal Police Station at nakatakdang sampahan ng kaso.
Sa kabilang dako, dalawang binata naman ang nahuli ng Tugbok Police matapos magpaputok ng boga sa kasagsagan ng bagong taon kung saan mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Davao City Ordinance sa firecracker ban of 2002.
Gaya ng nakaraang mga taon, naging mapayapa ang pagsalubong ng bagong taon sa Davao at walang naitalang malalaking insidente.