-- Advertisements --

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng Bureau of Corrections (BuCor) ang nangyaring saksakan sa loob ng Quadrant 3 ng New Bilibid Prisons South sa lungsod ng Muntinlupa.

Sa pahayag ng ahensya, rumesponde agad ang BuCor SWAT sa Dorm 13-F2 matapos makatanggap ng tawag na nagkaroon ng komosyon sa lugar.

Tumambad sa mga operatiba ang dalawang preso na sugatan, na kinilalang sina Robert So, 56; at si Rommel Aquino, 35.

Sa inisyal na pagsisiyasat, sinaksak daw ni Aquino si So gamit ang isang improvised na kutsilyo sa hindi pa malamang dahilan.

Sinubukan daw pakalmahin ng iba pang mga preso ang dalawa ngunit hindi raw natigil ang pag-atake ni Aquino kay So.

Kaya hinambalos na ng ibang inmates si Aquino upang matigil na ang bayolente nitong gawain.

Sa kasalukuyan, nasa ospital na ang dalawa at nasa stable condition na rin ang biktimang si So.