-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Dalawang magkahiwalay na insidente ng sunog ang naitala kagabi sa bayan ng Kalibo dahil umano sa napabayaang kandila sa gitna ng Undas.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP)-Kalibo, dakong alas-7:00 ng gabi nang mangyari ang unang insidente ng sunog sa bahay na pagmamay-ari ni Myfie Briones ng Sitio Ilaya, Brgy. Briones, Kalibo.

Posibleng nagsimula ang sunog mula sa napabayaang kandila na sinindihan para sa Undas. Mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang bahay maliban pa na walang tao nang mangyari ang insidente. Tinatayang P10,500 ang danyos sa sunog.

Sa kabilang daku, natupok rin ang bahay ni Lowelyn Inan, 34, ng Ilang-Ilang St., Andagao, Kalibo.

Agad na kumalat ang apoy dahil sa gawa sa light materials ang bahay. Ganap na naapula ang apoy dakong alas-8:20 ng gabi.

Bahagyang nasunog ang katabing bahay nito na pagmamay-ari ni Christine Parcarey. Umabot sa P8,500 ang iniwang pinsala ng sunog.

Patuloy pang inaalam ng BFP-Kalibo kung dahil rin sa napabayaang itinirik na kandila ngayong Undas ang sanhi ng insidente.