Dalawang insidente ng sunog ang naitala ng Bureau of Fire Protection (BFP) ngayong araw isa sa Quezon City at isa sa Valenzuela City.
Sa report ng Bureau of Fire Protection, nasa 20 kabahayan sa No. 3 Lower Forestry, Barangay Culiat ang nasunog bandang alas-11:53 kaninang umaga.
Nagsimula ang apoy sa isang 3-storey na bahay na tinitirhan ng Bancara family.
Tinatayang nasa P100,000.00 ang halaga ng pinsala na naitala sa nasabing sunog.
Wala namang naitala na nasugatan o nasawi sa nasabing insidente.
Nasa 40 pamilya ang naapektuhan sa nasabing sunog.
Bandang ala-1:16 ng hapon kanina nang idiklarang fire out ng BFP ang sunog.
Samantala, sa Valenzuela City naman isang Industrial one story building ang nasunog kaninang tanghali.
Tinukoy ng BFP na ang nasunog na building ay pag-aari ng STC Enterprises.
Iniimbestigahan na ng mga tauhan ng BFP ang posibleng sanhi ng sunog at kung magkano ang halaga ng pinsala.