Arestado ang hinihinalang dalawang miyembro ng ISIS-inspired group sa isinagawang operasyon ng PNP Special Action Force (SAF) sa probinsiya ng Basilan.
Naaresto ng mga SAF troopers ang isang bomb-expert, logistic officer at isang wanted na ASG member sa magkahiwalay na operasyon kaninang umaga sa probinsiya ng Basilan.
Sa ulat ni Brig Gen Bernabe Balba, acting director ng PNP Special Action Force kay PNP chief Gen. Debold Sinas, naaresto ng mga tropa at local oolice, ang unang suspek na kinilalang si Ranger Siason matapos na magpatupad ng search warrant sa Purok 1, Brgy. Aguada, Isabela City.
Narekober sa kanyang posisyon ang dalawang fragmentation grenades, 2-40mm high explosive shells, 30 rounds ng 5.56mm rifle ammunition, apat na kilo ng ammonium nitrate/fuel oil (ANFO) explosives, anim na cal. 50 shells, at isang ISIS flag.
Ang pangalawang suspek na si Munjiral Kabole, na may warrant of arrest para sa kidnapping ay naaresto naman kaninang umaga ng mga tropa ng PNP-Intelligence Group at SAF kasama ang Coast Guard, militar at local police sa Barangay Saluping, Tabuan-Lasa, Basilan.
Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Ildebrandi Usana, si Siason ang tagabili at tagahatid ng bomb making components ng Abu Sayyaf group sa Basilan, habang si Kabole ay tauhan ng notorious ASG sub-leader na si Pasil Bayali, na sangkot sa ilang pag-atake sa mga pulis at militar sa Basilan.
Pinuri ni PNP chief ang mga pulis sa kanilang counter-terrorism operation at pinatitiyak na paigtingin pa ang law enforcement operations laban sa mga teroristang grupo, Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF), at ang New People’s Army.