-- Advertisements --

Nasa kustodiya at pangangalaga ngayon ng Philippine Army (PA) ang mag-asawang Kuwaiti nationals na umano’y miyembro ng ISIS at experto sa paggawa ng bomba na naaresto kamakailan lamang sa Taguig City.

Ayon kay Philippine Army Spokesperson Lt. Col. Ray Tiongson nasa kustodiya ngayon ng Intelligence Service Group ng hukbo ang mag asawang banyaga.

Sinabi ni Tiongson na personal na hiniling ng Department of Justice (DOJ) sa Department of National Defense (DND) na isailalim sa kustodiya ng militar ang mga ito.

Inatasan naman ng DND ang Philippine Army na sa kanila muna manatili sina Hussein Al Dhafiri at Rahaf Zina.

“Following the request of the DOJ to DND, the PH Army has been tasked to provide a temporary detention facility for the said foreign detainees,” mensahe na ipinadala ni Tiongson sa Bombo Radyo.

Tiniyak ng Philippine Army na magiging ligtas ang mag asawa habang nasa military custody.

Naaresto ang mga ito kamakailan sa Taguig City ng pinagsanib na pwersa ng pamahalaan.