BACOLOD CITY – Inihahanda na ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kasong isasampa laban sa dalawang job order casuals sa Himamaylan City, Negros Occidental na nahuli sa pagbebenta ng baril sa mga otoridad sa gitna ng community quarantine kaugnay sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PCMSgt. Romero Gocotano, officer-in-charge ng PNP-CIDG Bacolod, ang mga naaresto ay kinilalang sina Rey Vinson at Edgar Villaluna ng Sitio Lagundo, Brgy. Su-ay, Himamaylan City.
Ang dalawa ay kapwa watchmen sa sanitary landfill ng Himamaylan City.
Ayon kay Gocotano, nakatanggap sila ng impormasyon na nagbebenta ng baril ang dalawa kaya’t ikinasa ang buybust operation kahapon.
Na-consummate ang operasyon matapos mabilhan ng .45-caliber pistol si Vinson na siyang subject at hinuli rin ang kanyang kasama na si Villaluna.
Batay sa impormasyon na nakalap ng CIDG Bacolod, ang dalawa ay miyembro ng Tunggo Group na nag-ooperate ng gun running at gun for hire group.
Ang mga inaresto ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions Regulation.