KALIBO, Aklan—Nasa 2,000 na dagdag na mga kapulisan ang ipapakalat para sa week-long celebration ng Sto. Niño Ati-atihan Festival 2025 upang matiyak ang zero major crime incidents sa Kalibo, Aklan.
Ayon kay P/Capt. Aubrey Ayon, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office, gaganapin ang send-off ceremony bandang alas-8:00 ngayong umaga na pangungunahan ni provincial director P/Col. Arnel Enrico Ramos sa Camp Pastor Martelino, Brgy. New Buswang, Kalibo, Aklan.
Una rito, nakapagdeploy na sila ng 600 PNP personnel mula sa 17 municipal police stations sa Aklan at dalawang mobile forces.
Ang 2,000 uniformed police na ipapakalat ngayong araw ay mula sa Police Regional Office-6 at mga kalapit na probinsya.
Dagdag pa ni P/Capt. Ayon na ang deployment ay nakabase sa Major Event Security Framework ng Philippine National Police na kinabibilangan ng deployment ng uniformed at non-uniformed personnel, K-9 units, explosives and ordnance team kasama ang Special Weapon and Tactics sa mga lugar na papasok at palabas ng Kalibo.
Ang Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Festival, na itinuturing na “Mother of Philippine Festival” ay nagsimula araw ng Lunes, January 13 at magtatapos sa January 19.