Nasa 2,000 mga pulis ang nakatakdang ma-reassign ngayong linggo sa iba’t ibang rehiyon na boluntaryong nagpalipat sa ilalim ng “localization program” ng PNP.
Ayon kay PNP Chief PGen. Camilo Pancratius Cascolan, ang inisyal na rigodon ay “Inter-Regional reassignment” ng mga tauhan patungo sa kanilang mga “hometown” o kung saan sila permanenteng residente.
Nilinaw naman ni Cascolan na 1:1 swapping ang gagawin kung saan papalitan din ang mga ililipat na pulis ng mga pulis na nais magpa-reassign sa mga lugar na kanilang iiwanan.
Pero ang NCRPO at PRO-4A o Calabarzon aniya ay may kailangan pang plantsahing mga detalye sa kanilang staffing at deployment bago makumpleto ang kanilang “localization”
upang hibdi magkaroon ng “vacuum” o kakulangan ng mga tauhan sa mga lugar na ito.
Ginawang prioridad ni Cascolan ang “localization” upang mapataas ang morale ng mga pulis at maging mas epektibo sa kanilang trabaho.
Paliwanag ni Cascolan, ang mga pulis na nagtatrabaho sa lugar kung saan sila residente ay magkakaroon ng “sense of ownership” at mas magmamalasakit sa kanilang komunidad.