-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan kaugnay sa pagbaril-patay sa dalawang katao sa bayan ng Polomolok partikular na sa Prk. 4, Brgy. Palkan.

Batay sa report ng Polomolok PNP, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Razil Macabangen Indanan at Aserin Macabangen Magon, habang sugatan naman ang kasama nilang si Jarya Macabangen Sulayman.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Capt. Brandy Rasos, ang deputy chief of police ng Polomolok PNP, bigla na lamang umanong nakarinig ng mga putok ng baril si Kagawad Aliman Macabangen habang naghahapunan kasama ang kaniyang pamilya.

Narekober sa crime scene ang tatlong basyo ng kalibre 5.56.

Ayon kay Rasos, nagpapatuloy ang kanilang pagtukoy sa mga suspek na responsable sa naturang krimen.

Nabatid na kamag-anak ng kagawad ang naturang mga biktima.

Dagdag ng opisyal, hindi nila isinasantabi ang anggulong personal na alitan matapos sinunog ng mga suspek ang sasakyan ng kagawad noong nakaraang buwan.