-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Dalawang pangunahing lansangan sa Nueva Vizcaya at 13 tulay sa tatlong lalawigan sa rehiyon dos ang hindi madaanan dahil sa pagtaas ang antas ng tubig dulot ng mga pag-ulan na dala ng supertyphoon Karding.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Michael Conag, spokesman ng OCD Region 2, sinabi niya na hindi pa maaaring daanan ang mga pambansang lansangan sa kahabaan ang Antutot, Kasibu, Nueva Vizcaya at sa bahagi ng Santa Fe dahil sa mga naganap na pagguho ng lupa.

Nanatili namang unpassable sa anumang uri ng sasakyan ang anim na overflow bridges sa Nueva Vizcaya at Cordon, apat na tulay ang unpassable din sa lalawigan ng Quirino maging Alicaocao overflow bridge, Turod bangkero overflow bridge at Annafunan overflow bridge sa Isabela.

Tinatayang 306 na pamilya o 1,090 indibiduwal ang inilikas bago ang pananalasa ng supertyphoon sa Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya.

Nasa 275 na pamilya o 986 na indibiduwal ang nananatili sa evacuation center habang 32 pamilya o 104 na indibidual ang nakisilong sa kani kanilang mga kamag anak.

Batay sa kanilang monitoring nanatiling below alert level ang antas ng tubig sa Buntun Bridge sa Tuguegarao City gayunman ay patuloy pa rin nilang minomonitor ang pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam.