(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Winasak agad ng Bureau of Customs (BoC) Cagayan de Oro City ang nasa halos 80,000 reams ng sigarilyo na nagkahalaga ng P50-milyon na nagmula sa China at ipinuslit sa Misamis Oriental.
Sinasabing pagmamay-ari umano ang kontrabando ng Fern Freight Enterprises at Dong Yin Industrial Supplies na unang dumaong sa Mindanao Container Terminal (MCT) sa bayan ng Tagoloan sa magkaibang buwan nitong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni BoC-CdeO collector John Simon na una nang idineklara ng Fern Enterprises na furniture products ang shipment subalit sa isinagawang inspeksyon ay tumambad ang mga sigarilyo na walang mga kaukulang dokumento.
Inihayag ni Simon na agad silang naglabas ng abandonment order sa nasabing consignee dahil nabigo ang mga ito na makapaghain ng goods declaration kaya tuluyang kinumpiska ang kontrabando.
Nag-isyu naman ng BoC ng warrant of seizure and detention at forfeiture orders sa Dong Yin dahil nagkuwanri raw ito na disposable cups ang kargamento subalit imported na sigarilyo ang ipinapalusot sa daungan.
Una rito, matapos ang kautusan ng BoC-Manila na agad sirain ang mga kontrabando ay hindi na ito pinasaksihan pa sa media habang dinurog sa warehouse na nakabase sa bayan ng Opol ng lalawigan nitong linggo lamang.
Dumaong ang dalawang barko na karga ang mga kontrabando sa MCT mula China noong Mayo 14 at Hunyo 9 subalit kapwa naharang dahil tinangka nitong lusutan ang customs duties ng gobyerno.