KORONADAL CITY – Tuluyang na-neutralize ng mga sundalo ang dalawang kasapi ng Daulah Isamiya terrorist group matapos na makipaglaban sa mga sundalo sa Barangay Lapu, Polomolok, South Cotabato.
Ito ang kinumpirma ni Lt. Col John Paul Baldomar, tagapagsalita ng 6th ID Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ang mga nasawing terorista na sina Zypol Nilong at Salahudin Usman na pinaniniwalaang mga tauhan ni Zaiden Jade Ninong alyas Aliboy ng DI- Maguid Group.
Nagtangka umanong magsagawa ng pag-atake ang mga terorista ngunit natunugan ng mga sundalo kaya’t napigilan ang mga ito at nangyari ang limang minutong palitan ng putok.
Pinangunahan ni Lt. Col. Raymond Rapi, commanding officer ng 1st Scout Ranger Batallion ang mga sundalo na nakipag-engkwentro sa mga terorista na nagresulta sa pagkasawi ng dalawa.
Nakuha sa mga namatay ang 2 M16 rifle habang tumakas naman patungong Norte ang mga kasamahan nila.
Sa ngayon, hinigpitan pa ang seguridad sa nabanggit na bayan sa posibleng retaliatory attack ng mga kasamahan ng mga terorista.