-- Advertisements --
image 337

Ibinasura ng Quezon city regional trial court ang dalawang kaso na isinampa laban sa nakadetineng mamamahayag na si Jay Sonza.

Base kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Jail Chief Inspector Jayrex Joseph Bustinera, ibinasura ng QC RTC branch 100 ang syndicated at large-scale illegal recruitment case na inihain laban kay Sonza dahil sa kabiguan ng complainant na dumalo sa mga pagdinig.

Gayundin, probisyunal na ibinasura ng QC RTC Branch 215 ang kasong estafa laban sa beteranong mamamahayag.

Sa kabila nito, mananatili muna pansamantala si Sonza sa detention facility dahil sa bagong commitment order na inisyu ng QC RTC Branch 77 may kinalaman sa libel case na inihain laban sa kaniya.

Nasa P10,000 ang piyansa na itinakda ng korte para sa kasong libel ng mamamahayag.

Samantala, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), ang pagbasa ng sakdal kay Sonza para sa kaso nitong libel ay nakatakdang isagawa bukas sa pamamagitan ng teleconferencing.

Kasalukuyang nakadetine si Sonza sa QC jail -Ligtas Covid Center Quarantine Facility sa Payatas sa Quezon city.