ROXAS CITY – Patay ang dalawang katao matapos na natumba ang sinasakyang motorsiklo sa kalsada at aksidenteng magulungan ng gulong ng Ten Wheeler truck ang mga ulo nito sa National Highway ng Barangay Atiplo, Mambusao, Capiz.
Kinilala ang mga namatay na biktima na sina Vicente Caporal 27-anyos at driver ng motorsiklo kasama ang backrider nito na si Aldren Delmindo 44-anyos na pawang mga residente ng Barangay Parian, Sigma, Capiz.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ni Police Staff Sergeant Johny Delos Santos ng Mambusao PNP na pawang lasing ang mga biktima nang mangyari ang aksidente.
Aniya na pauwi na sana ang dalawa nang aksidenteng nawalan ng kontrol sa pagmaneho si Caporal matapos nag-overtake ito sa sinusundang truck dahilan natumba ang motorsiklo at tumilapon ang mga biktima sa ilalim ng ten wheeler truck na minamaneho naman ni Revel Roa, 44-anyos ng Barangay Laboon, Maasin City, Southern Leyte.
Nabatid na kumalat pa ang mga utak at dugo ng mga biktima sa kalsada matapos nagulungan ng gulong ng naturang truck.
Samantala, boluntaryo naman na sumuko sa mga pulis ang driver ng truck na si Roa matapos ang aksidente.
Hindi naman tumagal ay pinalabas rin ito sa Mambusao Municipal Police Station matapos nangako ito sa pamilya nina Caporal at Delmindo na tutulong sa lahat ng mga gastos sa pagpapalibing sa nasabing mga biktima.