CENTRAL MINDANAO – Nakapagtala ng dalawang panibagong kaso ng COVID-19 ang lalawigan ng Cotabato.
Ito ay batay sa pinakahuling tala ng DOH-CHD SOCCSKSARGEN region at IPHO-Cotabato.
Ayon kay PIATF-ICP head BM Philbert Malaluan, ang ika-61 pasyente ay 58-anyos na lalaki mula sa bayan ng Midsayap, walang co-morbidity at kontak sa kahit sinong kumpirmadong kaso.
Ngunit isinailalim ito sa quarantine ng Midsayap RHU simula Agosto 16 makaraang manggaling ito ng Davao City.
Noong Agosto 29, huling araw sana ng kanyang pagka-quarantine ay nakaranas ito ng kakapusan sa paghinga dahilan upang isugod ito sa Cotabato Regional Medical Center (CRMC)-Cotabato City at nagpositibo sa COVID.
Nagsasagawa na ng multiple contact tracing ang mga otoridad dahil bago umano ito sumailalim sa quarantine ay bumisita muna sa ilang kamag-anak at katrabaho.
Samantala, ang ika-62 na kaso ay isang 31-anyos na babae mula sa bayan ng Pres. Roxas at walang co-morbidity.
Mayroon itong travel history sa Maynila at agad sumailalim sa swab test paglapag nito sa Davao International Airport (DIA).
Ang pasyente ay asymptomatic, nasa stable condition at naka-isolate sa isang LGU facility.
Napag-alaman din sa isinagawang contact tracing na hindi ito kailanman nagkaroon ng kontak sa kahit sinong kapamilya o kaibigan pagdating nito sa probinsya ng Cotabato dahil agad itong itinuloy sa LGU quarantine facility matapos ang decontamination process sa Amas capitol.